De Lima may kapalit na sa JBC

MANILA, Philippines - May bago ng miyembro ang Judicial and Bar Council na magsisilbing kapalit ni Justice Secretary Leila de Lima matapos siyang mag-inhibit sa selection process dahil sa pagiging nominado bilang susunod na Punong Ma­histrado ng Kataas-taasang Hukuman.

Pinaliwanag ni JBC member Atty. Jose Mejia na tinanggap nila ang replacement kay de Lima na si Undersecretary Michael Frederick Musngi mula sa Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs.

Niliwanag din ni Atty. Mejia na buong konseho ang nagdesisyon na tanggapin ang kapalit ni de Lima.

Nabatid na si Musngi ay miyembro ng Aquila Legis Fraternity at isa sa mga napawalang-sala sa mga nasangkot sa karumal-dumal na Lenny Villa fraternity killing case noong 2002.

Maliban sa pag-inhibit sa JBC selection process, nakabakasyon na rin si de Lima sa DOJ upang asikasuhin ang kaniyang ama na may colon cancer.

Nagsisilbi namang kahalili ng kalihim sa DOJ si Usec. Jose Vicente Salazar.

Show comments