PCSO naglinaw sa bonus isyu
MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Margarita Juico ang lumabas na artikulo sa isang pahayagan tungkol sa umano’y P4.53 milyong sobra sa mga allowance, bonus at insentibo kaysa dapat nilang matanggap noong 2010.
Ayon kay Juico, malisyoso at mapanlinlang umano ang ulat at sinabing humingi siya ng Presidential approval sa kasalukuyang kompensasyon sa isang sulat noong Oktubre 7, 2010 at natanggap lamang ang pangsang-ayon noong Mayo 23, 2011.
Sinabi pa ng chairman na itinuloy ng PCSO ang pagbibigay ng mga benepisyo at allowance sa mga opisyales at empleyado kasama ang sahod at allowance ng chairman at mga miyembro ng board habang hinihintay ang approval.
Nang ipatupad ang Governance Commission for GOCCs Law at nang ipagbigay-alam ito sa kanila, itinigil na ng PCSO ang lahat ng sahod at benepisyo ng board, at itinuloy lamang ang per diem per meeting na may maximum na P864,000 kada taon para sa chairman at P768,000 kada taon para sa bawat isang miyembro ng board.
“Kapareho ito ng natatanggap ng regular na empleyado ng gobyerno na nasa Salary Grade 15,” ani Juico.
Inirekomenda ng COA na kumuha ang PCSO ng ex post facto o retroactive na approval mula kay PNoy para sa sobrang P4.53 milyon sa allowance at benepisyo na natanggap ng board, at sumagot naman ang charity organization na nasa proseso na ito ng pagkuha ng presidential approval.
Ayon sa RA 1169, ang Pangulo ang nagdedesisyon ng sahod ng PCSO Board. Ang chairman ay may buwanang sahod na P219,938 kasama na ang P40,000 basic salary, habang ang isang miyembro ng board ay may buwanang kompensasyon na P146,938 kasama na ang P20,000 basic salary.
Idiniin ni Juico na sa kanyang pamamahala, nakapagsimula na ng mga reporma ang PCSO para sa good governance, nabago na ang kultura ng korap-syon, at nagbigay inspirasyon sa mga empleyado na mas magtrabaho nang mabuti.
- Latest
- Trending