MANILA, Philippines - Kung si Senate President Juan Ponce Enrile ang tatanungin, hindi na umano dapat pang banggitin ni Pangulong Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ang tungkol sa isyu ng Scarborough Shoal.
Ayon kay Enrile, bagaman at hindi niya tiyak kung babanggitin pa ng Pangulo ang sigalot ng Pilipinas at China dapat aniya ay ipaubaya na lamang ito sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Bagaman at sinasabing sobra na ang ginagawang pambu-bully ng China, aminado si Enrile na walang panlaban ang gobyerno sa nasabing bansa.
“Wala naman tayong panlaban sa Tsina… Palakasin natin ang Sandatahang Lakas. Bumili tayo ng mga eroplano, submarine, kanyon at mga missiles,” sabi pa ni Enrile.
Dahil mas malakas aniya ang militar ng China kumpara sa Pilipinas, dapat ay dalhin na lamang ang isyu sa International Court of Justice.
Idinagdag pa ni Enrile na hindi na kailangan pang ibalik sa bansa ang base militar ng Amerika para maging panangga sa China dahil magagalit naman umano ang mga “super nationalist”.