MANILA, Philippines - Natutulog umano sa pansitan at hindi raw ginawa ng Department of Environment and Natural Resources ang kanilang trabaho kaya nasisira ang likas na yaman ng malaking bahagi ng bansa.
Ito ang sentimyento ng mga nasibak na kawani ng DENR dahil ilan umano sa mga opisyales ng ahensiya ay kasabwat ng illegal loggers kaya talamak at patuloy ang operasyon ng illegal logging, partikular sa Visayas at Mindanao Region.
Sinisisi rin nila si Sec. Ramon Paje dahil nabigo umano itong protektahan ang likas na yaman ng bansa kung kaya’t nanawagan sila na magbitiw na lamang ito sa tungkulin.
Una nang sumulat ang Save Sierra Madre Network Alliance (SSMNA) na ipinadala sa Malacañang na may lagda ni Franciscan priest Fr. Pete Montallana, upang hilingin na sibakin sa pwesto si Paje dahil bigo umano ito na sawatain ang katiwalian sa nabanggit na ahensiya.
Sinabi pa ng grupo na sa kabila na may kautusan ang Malacañang na may moratorium laban sa illegal logging ay nanatili umano ang illegal operasyon nito at pawang sa papel lamang ito pinatutupad o press release lamang.
Maging si AGHAM party list Rep. Angelo Palmones ay kinokondena si Paje matapos na masakote sa Manila North Harbor kamakailan ang undocumented 55 container van na naglalaman ng mga pinutol na puno na galing sa Mindanao na nagkakahalaga ng P16 million.