MANILA, Philippines - Eloisa Cruz Canlas aka “Lola Sela Bungangera.” Ang walang kaparis na Reyna ng Radio Drama ay sumakabilang buhay noong Linggo, July 15, 2012, makaraan ang mahabang panahong pagkaratay sanhi ng isang aksidente noong Nob. 3, 2011.
Kanyang naulila ang dalawang anak na sina Robert at Edward na tangi niyang kasama sa buhay.
Ang mga labi ni Lola Sela ay maaaring matunghayan sa Holy Trinity Chapels and Crematorium sa Dr. A. Santos Avenue, Sucat, Parañaque City. Gaganapin ang cremation ngayong Miyerkules, July 18, 2012 sa alas-10 ng umaga.
Nagsimula ang makulay na propesyon ni Lola Sela bilang voice talent sa campus radio, hinubog niya ang kakaibang talent sa Manila Broadcasting Corp. – DZRH mahigit limang dekada na ang nakalilipas.
Lingid sa kaalaman ng marami, ang kanyang tinig ang nasa likod ng halos lahat ng radio drama na ipinirodyus ng kanyang mother station, tinig rin nya ang nag-endorso at nagpasikat ng mga consumer products ng Procter & Gamble tulad ng Safeguard, Tide, Mr. Clean, Camay at marami pang iba.
Bago siya nabundol ng isang taxi sa isang aksidente, ginawaran siya ng “University of the Philippines Gawad Plaridel Award 2011,” bilang pagkilala sa kanyang kakaibang talento at kontribusyon sa broadcast industry.