Milk-feeding inilunsad ng PCSO

MANILA, Philippines - Inilunsad ng Philippine Charity Sweepstakes Office noong Hulyo 16 ang unang leg ng milk-feeding program para sa mga indigent na kabataan. 

Mga 150 kabataan edad dalawa hanggang limang taon, naninirahan sa Sitio All Top Compound, Merville, Parañaque City, ang unang naging benepisyaryo ng naturang programa. Bibigyan sila ng PCSO ng libreng gatas ng apat na buwan sa pakikipagtulungan ng National Dairy Administration.

Ito ang una sa tatlong bahagi ng milk feeding program ng PCSO. Ang ibang lugar na pagdarausan nito ay ang Bahay Toro, Quezon City at Sitio Gasangan, Tondo, Manila.

Ang kalusugan ng mga batang kasali sa programa ay imo-monitor ng anim na buwan ng kanilang local government unit, na magsusumite ng ulat sa PCSO. 

Ayon kay PCSO chairperson Margarita Juico, ang layunin ng naturang programa ang tulungan ang mga kabataan na maging malusog at upang magbigay ng hanapbuhay sa mga local dairy farmers.

Aniya, “Isa sa mga pa­nuntunan ng admi­nistrasyon ni Pangulong Aquino ay ang pagtangkilik sa produktong Pilipino.” Inalala rin ni Juico na si dating presidente Corazon Aquino ay nagpatupad din ng mga milk feeding programs, na inutos niya sa PCSO at sa isang komite, ang Bigay Puso Committee na binuo ng mga maybahay ng gabinete at mga heneral at opisyal sa Armed Forces of the Philippines.

Show comments