MANILA, Philippines - Binatikos ng isang kongresista na kung tataasan ang sinisingil na premium ng Social Security System sa mga miyembro nito dapat itaas muna ang pensyon na natatanggap ng mga nagretirong contributors nito.
Sinabi ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na hindi dapat na itaas ang premium ng SSS sa 11 porsyento mula sa kasalukuyang 10.4 porsyento.
Sinabi ni Casiño na mayroong mga SSS pensioner na nabibigyan lamang ng P1,200 kada buwan para sa mga miyembro ng 10 taon at P2,400 kada buwan sa nagtrabaho ng 20 taon.
“Ni hindi na ito sapat para mabuhay, considering that you can hardly buy anything for that amount of money in a month. Nakakaawa talaga ang mga pensioners,” anang solon.
Isinusulong ni Casiño ang House bill 4365 upang maging P7,000 ang pinakamababang pensyon na makukuha ng isang retiradong miyembro nito.
Maaari umanong mapondohan ng SSS ang kanilang panukala sa pamamagitan ng pagkuha sa P8.5 bilyong uncollected SSS premiums na ikinaltas na ng mga employer sa sweldo ng kanilang mga empleyado.