MANILA, Philippines - Aabot sa 18,000 elective positions ang nakatakdang punuan sa idaraos na May 2013 midterm elections sa bansa.
Ayon sa Election Records and Statistics Department (ERSD) ng Comelec, kabilang sa mga national positions na pupunuan ay 12 Senador at 57 party-list representatives.
Kabilang naman sa ihahalal para sa lokal na posisyon ay ang mga miyembro ng House of Representatives (229); Gobernador (80); Bise Gobernador (80); Miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (766); City Mayor (138); City Vice Mayor (138); Miyembro ng Sangguniang Panglungsod (1,532); Municipal Mayor (1,496); Municipal Vice Mayor (1,496); at miyembro ng Sangguniang Bayan (11,972).
Para naman sa halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay maghahalal ng isang Regional Governor; isang Regional Vice Governor at 24 na Regional Assemblymen.
Salig sa Comelec Resolution 9385, ang election period para sa 2013 midterm elections ay itinakda mula Enero 13, 2013 hanggang Hunyo 12, 2013.
Ang filing ng Certificates of Candidacy para sa lahat ng elective positions ay nakatakda mula Oktubre 1, 2012 hanggang Oktubre 5, 2012.
Itinakda ang campaign period para sa national positions mula Pebrero 12, 2013 hanggang Mayo 11, 2013 habang ang pangangampanya para sa local positions ay mula Marso 29, 2013 hanggang May 11, 2013.