Plunder, graft vs Genuino, et al
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong plunder at graft ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa tanggapan ng Ombudsman ang tatlong dating mga opisyal nito at isang casino coffee concessionaire kaugnay sa umano’y overpriced na halaga ng kape na ibinenta sa limang sangay ng Casino Filipino noong nagdaang administrasyon.
Kinasuhan sina dating PAGCOR Chairman Efraim Genuino, ex-President Rafael Francisco, ex-senior vice president at senior managing head of research development department Rene Figueroa, gayundin ang Promolabels owner na si Carlota Cristi Manalo-Tan.
Sa 25-pahinang reklamo na pinirmahan nina incumbent PAGCOR Directors Jose Tanjuatco at Enriquito Nuguid, noong 2001 hanggang 2010 ay inutos umano nina Genuino, Francisco at Figueroa sa Casino Filipino branches na ipasok ang coffee concession agreements sa Promolabels ni Manalo-Tan sa pamamagitan ng pagbebenta ng Figaro coffee products.
Ang dating PAGCOR Board na pinamunuan ni Genuino ang nag-apruba ng resolusyon noong May 16, 2001 na nagkakaloob sa Figaro Coffee Company na maglagay ng coffee kiosks sa mga branches ng Casino Filipino na ang halaga ng kape ay dapat kasinghalaga sa mga malls.
Dahil sa resolusyong ito, ang dating PAGCOR Board ay nagbigay sa Figaro franchisee Promolabels ng concession agreements sa pitong Casino Filipino branches na pinirmahan ni Manalo-Tan habang si Genuino at Francisco ang lumagda para sa mga kontrata sa mga casino branches.
Si Manalo-Tan ay asawa ni Johnny Tan na kilalang kaalyado ni Genuino at ikalawang nominee ng BIDA party-list, na political group ni Genuino noong 2010 national elections.
Nabatid ng kasalukuyang Pagcor management na hindi rehistrado ang Promolabels sa Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa ilalim ng kontrata ng Promolabels at ng pangasiwaan ni Genuino, ang limang casino branches ng Pagcor ay nagbayad ng P258 milyon mula 2005 hanggang 2008 para lamang sa kape na dapat sana’y gagastos lamang ang Pagcor dito ng P78 milyon.
- Latest
- Trending