Malaysian national huli sa 4.5 kilong shabu sa NAIA
MANILA, Philippines - Nukumpiska sa isang Malaysian national ang may 4.5 kilos ng methamphetamine hydrocloride o shabu na nagkakahalaga ng P20 milyon matapos itong dumating galing Hong Kong sakay ng eroplanong Dragon Air flight KA 931 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni NAIA customs deputy collector for passenger and services Teresita Roque, ang suspek na si OOI Hock Guan, 60, na dumating sa bansa dakong alas 9:00 ng gabi noong Linggo.
Sinabi ni Roque, hindi mapalagay ang suspek at pinagpapawisan kaya naman nagduda ang mga customs examiner at nang lumapit ito sa customs counter bitbit ang kanyang bagahe ay nirebisa ito ng 100% examination.
Habang sinisiyasat ang bagahe ay doon nakita ang nasabing droga kaya agad na pinigil ang dayuhan na ngayon ay sumasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency.
- Latest
- Trending