MANILA, Philippines - Nanawagan ang mga mambabatas kay Transportation and Communications Secretary Mar Roxas na sundin ang desisyon ng Supreme Court (SC) na pumapabor sa mahigit sa 2,000 dating manggagawa ng nabangkaroteng Pantranco North Express Inc. (PNEI) at harapin ang isang congressional investigation.
Ayon kay Northern Samar Rep. Emil Ong, chairman ng House Committee on Labor, dapat sundin ni Roxas ang kautusan ng SC na ang mga empleyado ang may karapatan sa mga ari-arian ng naluging kumpanya at karapatan ng mga ito na makakuha ng separation pay makalipas ang 30 taon.
Nauna na ring ipinag- utos ng National Labor Relations Commission (NLRC) na bayaran ang mga dating empleyado gamit ang perang pinagbentahan ng prangkisa ng nasabing bus company dahil ito lamang ang natitira nilang asset.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)ay ini-award ang prangkisa nito noong Hunyo sa mahigit sa 2,000 dating manggagawa na nirerepresenta ng dalawang unyon upang sagutin ang milyon piso na back wages na pagkakautang sa kanila ng bus company.
Subalit, sinuspinde naman ni Roxas ang awarding ng LTFRB sa franchise ng Pantranco sa pribadong bibili nito at kunuwestiyon ang legalidad ng nasabing hakbang.
Ang kontrobersyal na bentahan ng franchise ay nagresulta naman sa pagbibitiw ni LTFRB board member Manuel Iway epektibo noong Hulyo 15.