Hirit ng China sinopla

MANILA, Philippines - Binalewala ng Malacañang ang hirit ng China na dapat magpaalam muna sa kanila sa anumang ibibigay na oil contracts sa West Philippine Sea bago magsimula ang proyekto.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, matagal nang nagkakaloob ng kontrata ang Pilipinas para sa exploration contracts simula noong 1970 at wala namang nagrereklamo.

Siniguro din ni Usec. Valte na ang anumang ipagkakaloob na exploration contract ng Pilipinas tulad sa Recto Bank na nasa West Philippine Sea ay ‘valid at legal’ kaya walang dapat ipag-alala ang sinumang investors.

Samantala, inihayag din ng Palasyo na naging matagumpay ang refloating ng missile ship ng China na sumadsad sa may Hasa Hasa Shoal.

Aniya, hindi naman humingi ng tulong ang China hinggil dito kaya pinalutang ito sa sarili niyang mga tauhan bagamat nakahanda ang Philippine Navy at Philippine Coast Guard kung kakailanganin nila.  

Alas-5 ng umaga kahapon nang napalutang ang nabanggit na warship na nagtamo ng minor damage sa stem part ng makina. Ligtas na rin ang mga sakay nito at walang pagtagas ng langis. (Rudy Andal/Ludy Bermudo)

Show comments