SONA 'di holiday
MANILA, Philippines - Hindi idedeklarang holiday ng Malacañang ang darating na July 23 para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino sa joint session ng Kamara at Senado.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, magiging pangkaraniwang araw lamang ang idaraos na SONA na gaganapin sa Batasan Pambansa sa Quezon City. Aniya, mayroong pasok sa lahat ng tanggapan gayundin sa lahat ng paaralan sa bansa.
Idinagdag pa ni Valte, kasalukuyang nirerebyu pa rin ni Pangulong Aquino ang nilalaman ng kanyang SONA. Ang designer na si Paul Cabral ang gagawa ng barong na isusuot ni PNoy sa SONA.
Samantala, magpapadala ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng 18 fire trucks sa SONA kung saan nakaposisyon ang mga militanteng grupo at iba pang grupong anti-administration na nagsasama-sama para magsagawa ng programa laban sa gobyerno.
Ayon kay Senior Supt. Bobby Baruelo, Quezon City Fire District Marshal, base sa mga naunang SONA, ang mga demonstrador ay nagsasagawa ng pagsunog sa mga effigies at flags dahilan para maghigpit sila ng pagbabantay. (Rudy Andal/Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending