Dolphy inilibing na
MANILA, Philippines - Puno ng damdamin ang paghahatid sa huling hantungan sa Hari ng Komedya na si Rodolfo “Dolphy” Vera Quizon, Sr. kahapon sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Dakong alas-2 ng hapon nang ilabas ang “bronze casket” na kinahihimlayan ng labi ni Dolphy buhat sa Heritage Chapel at inihatid sa inilaang black granite na nitso.
Bago ipasok sa nitso, tanging mga kaanak lamang ni Dolphy ang pinayagan para sa last viewing ng labi nito. Naging pinakamatagal at madamdamin ang pagyakap ni Zsa Zsa Padilla sa ataul.
Pinakahuli namang sumulyap sa labi ni Dolphy si Manila Mayor Alfredo Lim na sumaludo sa Hari ng Komedya at siya pang dahan-dahan na nagbaba ng takip ng ataul.
Sumunod nito, inalayan ng iba’t ibang bulaklak habang nakapatong sa ataul ang puting mga orchids bago tuluyang ipasok at isara ang nitso.
Matapos nito, isang masigabong tawanan, palakpak at “Hep! Hep! Hooray!” ang ipinabaon ng mga kaanak at tagahanga para sa kinikilalang Hari ng Komedya ng bansa at nagpalipad ng mga puting kalapati. Nagpasalamat rin naman si Zsa Zsa sa mga tagahanga at namaalam na sa kanyang partner sa loob ng 23 taon.
“Maraming salamat sa lahat ng nakiramay, maraming salamat sa pagpunta n’yo rito. Kay Dolphy maraming salamat sa pagmamahal sa aming lahat. I love you lovey ko! Till we meet again,” ang huling mensahe ni Zsa Zsa.
Nauna rito, isang huling misa ang inalay kay Dolphy na naging eksklusibo lamang sa 200 kaanak at mga pinaka malalapit na kaibigan ng pamilya Quizon bago ang libing nito.
Kamakalawa naman ng gabi, nagmistulang “comedy bar” ang Heritage Park dahil sa pag-aalay ng huling “tribute” kay Dolphy na tinawag na “Comedy Night”.
Unang nagbahagi ng kanyang mga alaala ang komedyante na si Pokwang na nakikipanood pa sa telebisyon ng mga kapitbahay para masilayan ang idolo. Si Dolphy umano ang tumawag sa kanya ng “Aru” dahil naaalala umano nito sa kanya ang isa pang komedyante na si Aruray.
Kabilang rin sa mga nagsalita sina writer-director Cesar Cosme, Herman “Brod Pete” Salvador na biniro pa si Vandolph na ampon dahil ang tatay nitong tunay ay si Panchito habang “special child” umano si Epi Quizon. Siya umano ang ika-19 na anak ni Dolphy at ang nanay niya ay si Matutina.
Nagsalita rin dito ang ilang pulitiko kabilang sina Vice-President Jejomar Binay, Manila Mayor Lim at San Juan Rep. JV Ejercito. Tinapos ang programa sa pagsasalita ng komedyanteng si Arnell Ignacio.
- Latest
- Trending