MANILA, Philippines - Kinalampag ng grupong Kilusan Kontra Kabulukan at Katiwalian (4K) ang Department of Environment and Natural Resources sa patuloy na pagkakalbo ng Sierra Madre.
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, kung patuloy na makakalbo ang kabundukan sa bansa ay dapat nang itigil ni Pangulong Aquino ang pagsuporta kay DENR Sec. Ramon Paje dahil mistula umanong hindi ipinatutupad ng DENR ang kautusan ng Pangulo na total log ban.
Isa sa patunay na hindi naipapatupad ang total log ban ay ang pagkakasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga ilegal na kahoy sa Pier na mula Mindanao kamakailan.
Anang grupo, kung talagang ipinatutupad ng DENR ang kautusan ni PNoy, dapat ay wala itong mga nasabat na kahoy na idineklara pang semento.
Bukod dito, pinagbasehan din ng 4K sa kanilang panawagan na sibakin na si Paje ay ang kawalan ng aksyon ng DENR sa patuloy na pangangalbo ng mga illegal loggers sa kabundukan ng Sierra Madre na nagiging sanhi ng landslide at flashflood sa lalawigan ng Quezon, Bulacan, Aurora province, Isabela at Cagayan.
Dahil naman sa flashflood at landslide dulot ng pagkakalbo ng kabundukan, marami nang buhay ang nawala, milyong-milyong halaga ng pananim at tahanan.
Una nang hiniling nina Agham Partylist Angelo Palmones at dating mambabatas Imee Marcos kay PNoy na alisin na sa posisyon si Paje dahil sa kabagalang kumilos para sa kaligtasan ng kalikasan.