MANILA, Philippines - May personal nang tututok sa mga kasong naisampa sa tanggapan ng Ombudsman na may kinalaman sa paglabag sa batas para sa pangangalaga sa pangkalikasan at kapalirigan.
Ito’y makaraang italaga ni Ombusman Conchita Carpio-Morales si deputy Ombudsman for Luzon Gerard Mosqueda bilang bagong Environmental Ombudsman.
Sa ipinalabas na kautusan ni Morales, itinalaga din nito si Atty. Raquel Rosario Marayag bilang Asst. Environmental Ombudsman.
Maliban sa dalawang nabanggit na opisyal, 26 na abogado pa ng anti-graft body ang magsisilbing imbestigador at prosecutor ng Environmental team ng tanggapan.
Hahawakan ng team na ito ang lahat ng kaso na may kaugnayan sa paglabag sa batas para sa pangangalaga sa pangkalikasan na maihahain sa tanggapan ng Ombudsman.
Inatasan na ni Morales si Mosqueda na imbentaryuhin ang lahat ng hawak nilang ganitong kaso para mamonitor ang maayos na paglilitis.