Pinas 'bigo' sa ASEAN sa Panatag standoff
MANILA, Philippines - Kinondena ng Pilipinas ang kabiguan ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) sa kauna-unahang pagkakataon na magpalabas ng “joint communique” hinggil sa nagaganap na tensyon o bilateral conflict sa pagitan ng mga member countries nito at sa iba pang kalapit na mga bansa sa West Philippine Sea o South China Sea.
Ang “joint communique” ay ang kasunduan o posisyon ng nagkakaisang miyembro ng ASEAN hinggil sa umiinit na standoff o tensyon sa Scarborough o Panatag Shoal (Bajo de Masinloc) kung saan ilang miyembro ng ASEAN ang apektado.
Sa pulong balitaan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na mahalaga ang maisama sa joint communique ang usapin sa Bajo de Masinloc na magiging daan upang maresolba ang territorial dispute.
Aniya, sinimulang talakayin at pag-usapan nitong Hulyo 9 sa Phnom Penh sa ginanap na 45th ASEAN ministerial meetings ang issue sa Scarborough at ikinairita ng Pilipinas na hindi ito lumutang sa joint communique.
Kamakalawa, maging si US Secretary of State Hillary Clinton ay nanawagan sa mga lider na kasapi ng ASEAN na makiisa sa pagbuo ng “common position” hinggil sa territorial o maritime dispute sa West Philippine Sea upang maresolba ang nasabing usapin.
Sinabi ni del Rosario na sa katatapos na special meeting para sa draft Joint Communique, maraming ASEAN Member-States at ASEAN Secretariat ang sumuporta sa posisyon ng Pilipinas na ang isyu sa Scarborough na napag-usapan sa Ministerial meeting ay dapat na mag-reflect sa Joint Communique.
Gayunman, ang Chair umano ay mariing tumutol na banggitin ang anumang issue ukol sa Scarborough Shoal sa Joint Communique at kahapon ay inianunsyo na ang Joint communique ay “cannot be issued” o hindi ipapalabas.
- Latest
- Trending