DNA test sa mga anak sa labas panukala
MANILA, Philippines - Isinusulong sa Kamara na kilalanin ang DNA testing na paraan upang malaman ang relasyon ng isang illegitimate child sa hinihinalang magulang nito kahit na ito ay sumakabilang buhay na.
Sa House Bill 2586 ni Western Samar 1st District Rep. Mel Senen Sarmiento, nakakalungkot umanong isipin na hindi nabibigyang pagkakataon ang mga anak sa labas na kilalanin ang kanilang mga tunay na magulang noong buhay pa ang mga ito kaya’t ang pagsama ng DNA testing ay makakasiguro sa implementasyon ng Family Code of the Philippines bilang bentahe sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Sa kasalukuyang Family code, malalaman lamang ang tunay na relasyon ng isang illegitimate child sa magulang nito sa record of birth at sa public o private documents na magpapatotoo sa karapatan ng sinasabing anak subalit kapag hindi naiprisinta ang alinman sa dalawang dokumentong kinakailangan ay maari pa rin itong mapatunayan sa mga paraan na pinapayagan sa ilalim ng Rules of Court.
Sakali naman patay na ang mga magulang ay maari pa rin isagawa ang DNA testing sa mga anak na posibleng mga kapatid ng isang illegitimate child.
Inaamyendahan ng nasabing panukala ang Article 172, 173 at 175 ng Family Code of the Philippines upang matiyak na ang paghahabol sa totoong relasyon ng mga anak sa labas at mga magulang nito ay mas matibay na malalaman sa pamamagitan ng pagsailalim sa DNA testing.
- Latest
- Trending