4 hijackers huli sa akto
MANILA, Philippines - Apat na pinaniniwalaang hijackers ang nadakip ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Organized Crime Division matapos maaktuhan ang mga ito na inililipat ang mga produkto mula sa nasiraang truck sa Valenzuela City kamakalawa.
Kinilala ni Director Samuel Pagdilao, hepe ng CIDG ang mga nadakip na sina Ricardo Centeno, 63; Arturo Maniclang, 54; Ronaldo Legaspi, 30 at Darwin Lestojas, 21.
Sa report ng pulisya, dakong alas-2:00 ng hapon, nasiraan ang delivery truck na minamaneho ni Darwin Haboc dala ang mga Del Monte Products na aabot sa halagang P162,000 sa service road ng Brgy. East Canumay, Valenzuela City.
Iniwan ni Haboc ang pahinanteng si Carmelo Handungan upang bumili ng piyesa, subalit makalipas ang ilang sandali ay dumating ang mga suspek sakay ng Anfra AUV (TET-138) at pampasaherong jeep (CLJ-406).
Tinutukan ng baril si Handungan bago inilipat ng mga suspek ang produkto sa kanilang sasakyan, subalit nagawang makatawag ng una sa kanilang among si Rafael Altamerana, na kaagad namang nag-report sa CIDG.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng CIDG-AOCD at inabutan na inililipat pa ng mga suspek ang mga kargamento, dahilan upang kaagad na dakpin ito ng mga pulis.
- Latest
- Trending