MANILA, Philippines - Hindi lamang sa Cambodia laganap ang sakit na dulot ng Enterovirus-71(EV-71) kundi maging sa Pilipinas.
Inamin ni Health Assistant Sec. Eric Tayag na worldwide ang naturang virus subalit mild disease lamang ang nare-report dito sa bansa.
Aminado rin si Tayag na maaaring lumala ang sakit na idinudulot ng EV-71 sa bansa kahit walang taga-Cambodia na infected nito ang dumayo sa Pilipinas.
Nasa bituka anya ang virus na nailalabas sa tuwing dumudumi ang tao.
Iba-iba umano ang sanhi ng EV-71. Kabilang na dito ang mild hand, foot and mouth disease (HFMD), acute respiratory disease, acute flaccid paralysis (polio-like) encephalitis o paglaki ng utak.
Samantala, ang tamang pagtatapon ng baby diapers o dumi ng tao at kalinisan ang isa sa pangkontra sa pagkalat ng virus.
Hinikayat ng DOH ang mga magulang at day-care personnel na linisin ang mga laruan upang maiwasan ang virus dahil wala pang gamot na natutuklasan para rito.
Naipapasa rin umano ang virus mula sa mga taong may ubo o sipon.