MANILA, Philippines - Pinigilan ng Korte Suprema ang implementasyon ng fixed salary para sa mga driver at konduktor ng mga pampasaherong bus.
Sa en banc resolution, nagpalabas ng status quo ante order ang Supreme Court na pumipigil sa Department Order 118-12 ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang kautusan ng Mataas na Hukuman ay tugon sa inihaing petition ng Provincial Bus Operators laban sa DOLE.
Sa resolusyon, inatasan ng SC ang Land Transportation Franchising and Regulatory (LTFB) at ang DOLE na magpaliwanag kaugnay sa legalidad ng department order.
Ayon sa SC, kinakailangang maihain ng mga respondent ang komento sa loob ng 10 araw.
Bunsod nito, muling babalik sa arawang komisyon o nilagdaang kasunduan ang mga driver, konduktor at kanilang mga operator kaugnay sa kanilang suweldo o kita.