Mga selda redi na - Pnoy
MANILA, Philippines - Binalaan ng Pangulong Benigno Aquino III ang mga opisyal ng pamahalaan na patuloy pang gumagawa ng katiwalian dahil hindi siya titigil na tugisin ang mga ito hanggang sila ay maipakulong.
Sinabi ng Pangulo, mayroong sapat nang kulungan ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa magiging piitan ng mga mahuhuling corrupt officials sa bansa.
Ayon kay Pangulong Aquino sa mensahe nito sa 21st anniversary ng BJMP, may karagdagang 40 pasilidad ang BJMP upang matugunan ang pangangailangan ng ahensiya para sa mahuhuling tiwaling opisyal na umaabuso sa kanilang katungkulan.
Wika pa ng Pangulo, hindi ito mga kubol para sa mayayamang preso at wala itong mga DVD, LED TV, karaoke o disco.
Ipinagmalaki din ni PNoy na magkakaroon na ng high-tech na kagamitan ang BJMP upang makapaghatid ng mas mabuting serbisyo.
“Sakto na rin po ang mga bagong pasilidad na ito. Sa mga mahuhuli nating tiwaling opisyal na umaabuso sa katungkulan. Sisiguruhin nating may nag-aabang na espasyo sa inyo sa bilangguan,” pahayag ng Pangulo.
Binati din ng Pangulo ang mga opisyal at personnel ng BJMP dahil sa kanilang pagganap sa kanilang katungkulan partikular sa pagbabantay sa may 69,735 na preso sa buong bansa.
“Bukod sa mga maaasahang kawani at opisyal, magkakaroon na rin ng mga hi-tech na kagamitan ang BJMP upang maghatid ng de kalidad na serbisyo. Nitong Pebrero ay inilunsad ang computerization ng jail system. Tutuldukan nito ang manu-manong paghagilap ng mga datos at magulong sistema na kulang na lang ay isulat sa tissue paper ang mga pangalan ng mga bilanggo,” sabi pa ng Presidente.
- Latest
- Trending