Mediamen pinalalayas na sa DOJ
MANILA, Philippines - Makaraan ang mahigit na 30 taon ng paninirahan ng mga miyembro ng media sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ), ipinag-utos ni Justice Secretary Leila de Lima na bakantehin ng mga mamamahayag ang kanilang kasalukuyang opisina o press office.
Sa isinagawang dialogue nina Justice Undersecretaries Jose Vicente Salazar, Fransisco Baraan III at Leah Armamento kasama ang mga kagawad ng media, iginiit ng mga nasabing opisyal na ang kanilang aksyon ay batay na rin sa rekomendasyon ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Sinabi ni Salazar na plano ng DOJ na limitahan na ang mga pagsasagawa ng interview sa loob ng DOJ main building at maging ang access ng media sa iba’t ibang opisina sa DOJ batay na rin sa rekomendasyon ng NICA.
Gayunman, humingi ng kopya ng nasabing NICA report ang mga reporter pero tumanggi ang mga opisyal.
Batay sa plano, sakaling mailipat na sa ibang gusali ang mga media office ay hindi na basta basta maka-aakyat sa second floor ng DOJ main building ang mga mamamahayag at maging ibang empleyado kung saan naroon ang tanggapan ng kalihim at mga undersecretary nito.
Sa sandaling mapalayas na sa kanilang mga press office ang JUROR at JUCRA ay iku-cordon na ang lugar at magkakaroon na ng restriction at limitasyon sa mga reporters sa pagkober sa opisina ng DOJ secretary, undersecretaries at assistant secretaries.
Makapapasok lamang sa mga naturang tanggapan ang media kapag pinayagan ng Public Information Office ng DOJ.
- Latest
- Trending