Karne ibabawal sa iskul tuwing Lunes

MANILA, Philippines - Ipinanukala ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño na magkaroon ng “Meatless Monday” sa mga pribado at pampulikong paaralan upang maengganyo ang mga bata na kumain ng gulay kasabay na rin ng pagdi­riwang ng Nutrition Month.

Layon ng House Bill 6311 na mabawasan ang greenhouse gas emissions na nakakaapekto sa climate change at environmental degradation at maisulong ang malusog na pamumuhay sa mga Pilipino.

Ang Luntiang Lunes Motivational Campaign ay binuo para masolusyunan ang mataas na konsumo ng karne sa buong mundo noong 2003. Noong 2011, tinatayang nasa 25.7 milyong estudyante ang sumali sa “Luntiang Lunes” kung saan hindi sila kumain ng karne sa eskuwelahan tuwing Lunes.

Sinabi ni Casiño na batay sa mga pag-aaral, ang mga Pilipino ay mahilig sa karne at may pinakama­baba namang bilang sa pagkain ng gulay kumpara sa buong mundo na 39 kg.

Sa pag-aaral naman ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) noong 2008, ang Pilipinas ay may mabigat na problema sa childhood malnutrition at adult obesity.

Ang pag-target aniya sa mga estudyante habang bata pa ay may malaking maitutulong sa kanilang dietary­ habits at kalusugan hanggang sa pagtanda.

Sa panukala ng “Luntiang Lunes Act of 2012,” ang Department of Education (DepEd) ay naatasang magpatupad sa mga public at private elementary at high schools na magsilbi ng mga gulay o plant-based meals sa kantina tuwing Lunes.

Sa kabila nito, walang estudyante ang pipiliting bumili ng pagkain sa kantina at may karapatan silang magdala ng baon maging ito ay karne o gulay.

Show comments