'Magdalo' out na sa eleksiyon
MANILA, Philippines - Hindi na makakalahok sa eleksiyon ang grupong Magdalo Para sa Pagbabago na pinamumunuan ni Senador Antonio Trillanes IV matapos na pagtibayin ng Korte Suprema ang resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagbabasura sa petisyon ng senador.
Sa ruling na sinulat ni Associate Justice Maria Lourdes Sereno, ibinasura ng Supreme Court en banc ang petisyon ni Trillanes na naglalayong maiparehistro ang kanyang grupo bilang political party na nakabase sa National Capital Region (NCR).
Kinatigan ng SC ang resolution ng Comelec noong Oktubre 26, 2009 at Enero 4, 2010 na nagbabasura sa petisyon ng senador.
Kabilang sa mga kumakatawan sa Magdalo si Trillanes bilang chairperson kasama si Francisco Ashley Acedillo (Acedillo) bilang Secretary General.
Noong Oktubre 26, 2009, ibinasura ng Comelec–Second Division ang petition ng Magdalo. Inapela ng Magdalo ang ruling ng Comelec ngunit iyon ay binasura rin.
Nilinaw naman ng Korte Suprema na hindi nila binabalewala ang agam-agam ng Comelec sa Magdalo sa usapin ng paggamit ng karahasan.
Kaya nilinaw sa ruling na sa sandaling muling maghain ng petisyon ang Magdalo ay kailangang maghain ng individually affidavits ang mga opisyal na nagsasaad na hindi sila gagamit ng anumang uri ng karahasan upang matamo ng kanilang organisasyon ang kanilang layunin.
- Latest
- Trending