Pinay maid nagbigti sa Kuwait

Manila, Philippines -  Isang Pinay maid ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa kanyang sarili sa loob ng bahay ng kanyang amo sa Qadsiya sa Kuwait noong Hulyo 1.

Kinilala ang biktima na si Jeneby Ventura Guilaran, 35 anyos, may asawa at dalawang anak at tubong Carmen, North Cotabato.

Nabatid kay Dalidig Ibrahim Tanandato, pinuno ng Assistance To Nationals (ATN) sa embahada na nang araw na mamatay ang biktima, nakapag-almusal pa ito at bumalik sa kanyang kuwarto.

“Noong malapit nang magtanghalian, mga alas-10:30 hanggang alas-11, hindi pa lumalabas sa kanyang kwarto. Sinubukan nilang buksan pero nakasarado sa loob, so tumawag sila ng fire department at sinira nila ang pintuan at doon nila nakita ang bangkay, nakabitay,” sabi pa ni Tanandato.

Sa paliwanag ng amo ni Guilaran na si Sami Ali na pinatawag ng embahada, wala silang makitang dahilan para magpakamatay ang Pilipina.

Sinabi ni Ali na dalawa at kalahating taon nang nagtatrabaho sa kanila ang naturang OFW. Meron umano itong isang araw na dayoff tuwing Biyernes at tinatratong parang miyembro ng pamilya.

Nakikipag-ugnayan na ang embahada sa Kuwait Criminal Investigation Division para siyasatin kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.

Show comments