MANILA, Philippines - Todo ang suporta ng konsehal ng ikatlong distrito ng Quezon City na si Julian Coseteng sa computer literacy sa siyudad, sa paniniwalang hindi na maiiwasan ang patuloy na paglago ng information technology at ito ay mahalagang sangkap sa kaunlaran.
Si Coseteng, assistant majority floor leader ng QC Council, ay naniniwalang ang pagkaalam sa kompyuter ay kapantay na ngayon ng Ingles bilang pandaigdigang lengguwahe.
Sinimulan ni Kongresista Bernadette Herrera-Dy ng Bagong Henerasyon (BH) partylist, isang grupo na kumakatawan sa kabataan, kababaihan at bayan, ang programang ito upang bawasan ang pagiging ignorante, kahirapan at pagsasawalang-bahala sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga indibidwal ng kailangang kaalaman at kahusayan.
Isinagawa ni Hererra-Dy ang programang ito sa ikatlong distrito ng Quezon City sa pakikipagtulungan ni Coseteng at sa suporta ni Cong. Jorge “Bolet” Banal, Jr.
Sa kabuuan, 336 ang nagtapos sa pagsasanay mula sa siyam na barangay.
Muling nagpapaalala si Coseteng sa mga residente ng QC na ibahagi sa kapwa ang kanilang mga natutunan dahil hindi lahat ay nabibiyayaan ng oportunidad tulad nito.