Gov. Ebdane kinasuhan sa Ombudsman
MANILA, Philippines - Ipinagharap ng patung-patong na kasong katiwalian sa tanggapan ng Ombudsman si Zambales Governor Hermogenes “Jun” Ebdane at ilang opisyal nito ng isang mining firm sa nasabing lalawigan.
Ang kaso laban kay Ebdane at ilang opisyal ay isinampa ng Consolidated Mines, Inc. (CMI) kaugnay sa paglabag sa batas ng Mining Act of 9195, People’s Small-Scale Mining Act of 1991, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Ethics and Ethical Standards at Grave Coercion at Robbery.
Kaugnay ito sa umano’y illegal na pagbibigay sa mga small-scale mining ng permit, ore transport permit, at mineral ore export ng chromite na nasa tower 8 at 9 ng Coto mines na legal na pag-aari ng CMI mula Oktubre 2011 hanggang sa taong kasalukuyan na aabot sa P211 million.
Naglabas umano ang gobernador ng small scale mining permit sa lugar na nakapaloob sa isang mineral reservation, kung saan ang director ng MGB lamang ang may kapangyarihan maglabas ng ganitong permit.
Ayon pa sa CMI, ang mga nasabing small scale miner ay hindi kumuha ng environmental clearance certificate (ECC) mula sa environmental management bureau (EMB) na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.
Sa report ng CMI, umaabot na sa 100,000 metriko tonelada ng chromite ang sapilitang hinakot gamit ang mga heavy aquipmet at dinala sa isang pribadong piyer sa lugar ng Palauig, Zambales.
Base pa sa record ng CMI mahigit sa 75,000 metriko tonelada ang nailabas ng bansa papunta ng China lulan ng siyam na Cargo vessel.
Ayon naman sa Mines Geosciences Bureau, ang mga ginamit na mineral ore export permit ay hindi dumaan sa beripikasyon at sertipikasyon ng MGB.
- Latest
- Trending