MANILA, Philippines - Dahil sa sunud-sunod na panghihimasok sa teritoryo ng bansa, pormal nang naghain ang Pilipinas ng protesta laban sa China hinggil sa pagtatayo ng Sansha City sa pinag-aagawang Kalayaan Group of Islands o Spratlys sa West Philippine Sea.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, ibinigay na ng Pilipinas sa China sa pamamagitan ni Chinese Ambassador to Manila Ma Keqing ang isang “Note Verbale” na naglalaman ng diplomatic protest o pagkondena ng Pilipinas sa naging hakbang ng China sa paglalagay ng isang siyudad (Sansha City) ng China sa Spratlys na nasa teritoryo ng bansa.
Ayon sa DFA, ang pagtatayo ng China ng Sansha City sa Spratlys ay lumalabag sa isinasaad ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
Magugunita na inianunsyo ng Chinese Ministry of Civil Affairs ang pagtatayo ng China ng Sansha City upang mapatatag umano ang paghawak nila at pagbibigay proteksyon sa inaangking Paracel o Xisha, Zhongsha at Nansha islands sa Kalayaan Islands Group. Ilalagay ang Sansha City saYongxing island sa may main area ng Paracel islands sa KIG na sakop ng Palawan.
Bukod sa China, inaangkin din ng Brunei, Vietnam, Taiwan at Malaysia ang Spratly islands.