Paglilipat ng klase sa Setyembre binuhay
MANILA, Philippines - Dahil sa nararanasang sunod-sunod na pag-ulan at pagbaha lalo na sa Metro Manila, muling binuhay sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase mula sa buwan ng Hunyo.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, panahon na upang masusing pag-aralan ang panukala upang maiwasan ang pagkansela ng klase tuwing umuulan. Hindi na rin aniya magiging problema kung sino o anong ahensiya ng gobyerno ang magkakansela ng klase kung gagawing bakasyon ang panahon ng tag-ulan.
SInabi ni Drilon na dapat ding isaalang-alang ang kaligtasan ng mga estudyante na kalimitang naiipit sa baha kung may ulan at hindi kaagad nai-anunsiyo ang kanselasyon ng klase.
Dagdag pa niya, kahit siya ay may dalawang apo na naka-enroll ngayong taon at nagpilit ang mga ito na pumasok sa kanilang klase noong nakaraang Martes sa kabila ng matinding ulan at baha sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ang Hunyo, Hulyo at Agosto ang mga buwan umano kung saan dumadaan sa bansa ang malalakas na bagyo kaya inaasahan na rin ang mas marami pang kanselasyon ng klase.
- Latest
- Trending