Smuggling ng alak, yosi titindi
MANILA, Philippines - Naniniwala ang liderato ng Kamara na mas lalong lalala ang smuggling ng sigarilyo at alak ngayong puspusan na ang pagsusulong na maitaas ang excise tax.
Ayon kay Antique Rep. Paolo Javier, vice-chairman ng House Committee on Ways and Means, sa halip na makatulong ay lalo lamang makakasama ito sa industriya ng tabakuhan dahil siguradong ilulugmok umano ang mga magsasaka ng tabako.
Giit ng Kongresista, hindi siya tutol sa pagtataas ng buwis sa tinatawag na sin products subalit ang kailangan umano ngayon ay dahan-dahan o moderation sa pagtataas ng buwis.
Paliwanag pa ni Javier, hindi naman ginagarantiyahan ng panukala na mamintina ang dami ng sigarilyong nabibili sa merkado kung itataas ang presyo ng mga ito.
Magugunitang inaprubahan ng Kamara ang dagdag na 708 porsiyento sa excise tax ng sigarilyo upang makalikom umano ng karagdagang P31 bilyon mula sa buwis na ito na siyang itutustos sa universal health care program.
Kinuwestyon din ni Javier ang pagtitiyak ng mga nagsusulong sa panukalang ito na tataas din ang koleksyon sa buwis dahil magiging kaakibat nito ang paglala ng smuggling na magpapababa sa bentahan ng produkto.
- Latest
- Trending