Ateneo, UP, La Salle pasok sa Top 50 English universities
MANILA, Philippines - Tatlong unibersidad sa bansa ang nakapasok sa “Top 50 world’s best in teaching English” base sa isinagawang pananaliksik ng London-based Quacquarelli Symonds (QS).
Sa listahan ng QS, pumasok sa kanilang 2011 rankings ang Ateneo de Manila University, University of the Philippines at De La Salle University.
Mula sa pang-35 noong 2010, tumalon sa pang-24 nitong 2011 ang Ateneo sa iskor na 68.9 kung saan nalagpasan nito ang UP na nasa ika-32 puwesto sa iskor na 65.7 katabla ang University of California Irvine.
Matapos na malaglag sa pang-51 na puwesto noong 2010, nakapasok ang DLSU na nakakuha ng 63.1 puntos para makopo ang ika-44 na puwesto.
Ayon sa QS, karamihan sa mga unibersidad na nakapasok sa ranking ay mula sa mga bansa na natural na lengguwahe ang English tulad ng United Kingdom at Estados Unidos.
Nangunguna sa listahan ang mga sikat na unibersidad na University of Cambridge sa UK na may iskor na 100.
- Latest
- Trending