MANILA, Philippines - Binatikos ni Valenzuela City Mayor Sherwin Gatchalian ang mga opisyal ng Pagasa dahil sa kapalpakan sa gitna ng malakas na ulan sa Metro Manila at karatig lalawigan dahil sa low-pressure area (LPA).
Dismayado si Mayor Gatchalian sa hindi tamang impormasyon sa galaw ng sama ng panahon, dami ng dala nitong ulan at ang posibleng epekto nito.
Sinabi ng 2011 TOYM awardee for public service na sa gitna ng pahayag ng Pagasa na walang bagyo sa bansa, nagdulot naman ng matinding pag-ulan sa Bicol Region, Central at Southern Luzon kabilang ang Metro Manila na nagdulot ng pagbaha.
“Kulang-kulang ang mga impormasyon. Wala ngang bagyo, pero itong low pressure na ito parang bagyo na rin ang epekto sa lakas ng ulan at baha na idinulot,” saad ni Mayor Gatchalian.
Bagama’t responsable rin ang mga lokal na opisyal sa pagpapakalat ng impormasyon, binigyang-diin ni Gatchalian na ang epektibo at tamang weather forecasting ang susi para sa pagpapatupad ng precautionary measures at nagsisilbi itong tulong sa mga lokal na opisyal upang agad makapaghanda.