Atyani hindi namin hostage! - Sayyaf
MANILA, Philippines - “Wala sila sa amin, wala ni isang lider ng Abu Sayyaf Group ang bumihag sa kanila”.
Ito ang mariing pagtanggi kahapon sa ipinadalang eksklusibong video ni Abu Sayyaf Commander Yasser Igasan sa ABS-CBN Channel 2 upang linawin ang mga ulat hinggil sa umano’y pagdukot ng ASG kay Baker Abdulla Atyani, Southeast Asia Bureau Chief ng Al Arabiya News TV at dalawa nitong Pinoy crew na sina Ramelito Vela at Rolando Letrero sa Sulu.
Si Igasan ay nakasuot ng kulay itim na bonnet, nakapulupot sa buong katawan ang malalakas na uri ng bala, granada at may hawak na mataas na kalibre ng armas ng humarap sa kauna-unahang pagkakataon sa nasabing cellphone video recorder upang pasubalian ang mga naglalabasang report.
“Ako si Yasser Igasan, lider ng Abu Sayyaf, gusto naming linawin ang issue ukol sa pagkawala sa Jordanian journalist at dalawang Pilipino kasama nya, pangalan ko nasangkot ngunit wala akong alam diyan,” ani Igasan sa wikang Tausug sa nasabing video na kuha sa kuta nito sa kagubatan ng Sulu.
Sinabi ni Igasan na hindi rin hawak ng iba pang senior na lider ng Abu Sayyaf na sina Radulan Sahiron at Isnilon Hapilon si Atyani at mga crew nito na sinabi pang hindi nila kilala ang isang nagpakilalang Commander Tuan Nadzmer Alih na nagpakalat ng balitang hawak ng kanilang grupo ang tatlo.
Posible umanong ibang grupo ang dumukot kina Atyani at wala rin umano silang napagkasunduan sa pagtungo sa Sulu ng Arab tv reporter. Iginiit pa ni Igasan na hindi nila bibihagin ang isang Arabong Muslim na tulad ni Atyani na nakilala sa pag-iinterbyu sa napatay na lider ng Al Qaeda na si Osama bin Laden.
Ayon naman kay DILG Sec. Jesse Robredo, may isinasagawa ng negosasyon upang mapalaya ang tatlong bihag.
- Latest
- Trending