MANILA, Philippines - Mas makabubuti kung agad na aayusin ng mga nominado na may kaso ang kanilang kaso kung nais ng mga ito na mapasama sa shortlist.
Ito ang paalala ni Atty. Jose Mejia, miyembro ng Judicial and Bar Council dahil malinaw anya na nakasaad sa JBC rules na maaaring madiskwalipika ang sinumang nominado na may kinakaharap na kaso, administratibo o kriminal man ito.
Isa mga nominado si Justice Secretary Leila de Lima na nahaharap hindi lamang sa tatlong disbarment complaint kundi maging sa kasong graft sa Ombudsman.
May kaugnayan ang kaso ng Kalihim sa umano’y iligal na pagpapa-deport sa ilang Taiwanese nitong Pebrero.
Matatandaan na noong 2009, si dating Justice Secretary Agnes Devanadera ay naging nominado para maging mahistrado sa Korte Suprema ngunit nadiskwalipika matapos mabigong makakuha ng clearance sa Ombudsman kaugnay ng kinakaharap na kaso.
Umaasa ang JBC na sa Hulyo 30 ay makapagsusumite na sila ng shortlist kay Pangulong Aquino.