MANILA, Philippines - Bunsod ng walang tigil na pag-ulan na nagsimulang bumuhos nitong madaling araw ng Lunes, sinuspinde kahapon ang klase sa lahat ng public at private schools sa Metro Manila at karatig probinsiya, gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno habang nagkansela rin ng domestic flights ang mga eroplano.
Ang mga pag-ulan ay nagdulot ng matinding pagbaha at nagpalala rin ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalye partikular na sa Metro Manila kaya naman todo trabaho rin ang MMDA Declogging Team kung saan rumesponde sa mga lugar na may pagbabaha upang tanggalin ang mga basurang nakabara sa mga drainage at estero.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na tila nawawalan na talaga ng disiplina ang mga taga-Metro Manila makaraang matuklasan na sinadyang barahan ng malaking tipak ng bato ang isang imburnal sa kanto ng V. Luna Avenue at Malakas Street sa Quezon City na naging napakatindi ng pagbaha.
Ilan pa sa mga lugar na inabot ng matinding pagbaha ang ilang parte ng Marcos Highway sa Marikina-Antipolo City; Laong Laan, Pedro Gil, Quirino Avenue, sa Maynila; P. Tuazon-EDSA sa Quezon City, R. Papa, España, Blumentritt, at Rizal Avenue sa Maynila.
Nagpalabas naman ng kanilang mga bus ang MMDA para sa libreng sakay sa EDSA at sa University Belt habang binuksan rin ang anim na floodgates sa Manggahan Floodway upang maiwasan na muling mabura sa mapa ang ilang barangay sa bayan ng Taytay sa Rizal.
Una rito, nainis ang mga magulang ng mga mag-aaral na may pasok sa morning session dahilan sa dapat anila ay agad na nasuspinde ang klase sa umaga pa lamang dahil hirap makauwi sa kanilang tahanan ang mga mag-aaral na pumasok sa umaga.