Naval exercises ng US, Ph Navy umarangkada na

MANILA, Philippines - Walang kinalaman ang Naval exercises sa pagitan ng Pinoy at American troops na umarangkada na kahapon kaugnay ng sigalot sa pagitan ng Pilipinas at China sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.

Ito ang nilinaw ng mga opisyal ng AFP sa gitna na rin ng pagdedeploy ng China ng apat na patrol vessels sa Spratly Island.

Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., ang isinasagawang Cooperation Afloat Readiness and Training (CARAT) na nag-umpisa sa General Santos City ay bahagi ng annual joint military exercises sa pagitan ng Philippine Navy at ng US Navy na nagsimula noon pang 1995.

Nabatid na pina­lakas pa ng China ang presensya nito hindi lamang sa Scarborough Shoal na may 124 nawtikal na milya sa bayan ng Masinloc, Zambales matapos ang standoff simula pa noong Abril 10 gayundin sa Spratly Islands sa Palawan.

Sa Scarborough Shoal ay aabot sa 28 sasakyang pandagat ng China ang naispatan ng Philippine Navy.

Inihayag pa ni Burgos na ang CARAT 2012 ay pinangunahan ang opening ceremony nina US Ambassador Harry Thomas at AFP-Eastern Mindanao Command Chief Lt. Gen. Jorge Segovia sa General Santos City.

Samantala, kabilang naman sa ilalahok ng Philippine Navy sa joint naval exercises ay ang Barko ng Republika ng Pilipinas Magat Salamat (PS20), BRP Miguel Malvar (PS19), BRP Salvador Abcede (PG114), at ang BRP Teotimo Figuracion (PG389) habang sa US ay ang USS Vandergrift (FFG48) at USNS Safeguard (T-ARS 50).

Show comments