Quizon family magpapa-golf tour sa birthday ni Dolphy

MANILA, Philippines - Isang “golf tournament” ang planong isagawa ng pamilya Quizon bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-84 kaarawan ni Comedy King Rodolfo “Dolphy” Quizon sa darating na Hulyo 15.

Sinabi ni Ronnie Quizon, tatawagin nila ang torneyo na “Pidol Cup” na tiyak na hahatak sa mga malalaking celebrity golf players sa Tagaytay. Bukod dito, wala pa umano silang napaplano na ibang aktibidad sa kaarawan ng ama.

Depende pa rin umano ito sa magiging kalagayan ni Dolphy sa mismong araw ng kanyang kapanganakan kung saan umaasa sila na mas maayos na ang kundisyon nito.

Sa kasalukuyan, patuloy sa “recovery” si Dolphy matapos ang sari-saring “medical procedure” na isinagawa dito na nagresulta ng pagbuti ng kalusugan buhat sa “very critical” na estados nito nang isugod sa Makati Medical Center.

Pansamantalang itinigil naman ng mga doktor nito ang kanyang “dialysis” dahil sa patuloy na pagganda ng kanyang “vital signs”.  

Show comments