MANILA, Philippines - Wala umanong ‘malasakit’ sa kalikasan si Department of Environment and Natural Reasources (DENR) Secretary Ramon Paje kaya kailangan na siyang sibakin ng Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang puwesto.
Ito ang kahilingan ni Agham partylist Rep. Angelo Palmones sa Pangulo bunsod na rin ng kapabayaan umano ng DENR kaya nasisira ang maayos na kapaligiran dahil sa halip na sila ang mag-protekta dito ay sila pa ang nangunguna sa pagsira nito.
Ayon kay Palmones, tulad anya ng pagkabigo ng DENR na mapaalis ang Korean Floating restaurant na nagtatapon ng untreated waste direkta sa Taal Lake.
Sinasabing ang naturang restaurant ay exclusive para sa mga foreign tourists at ang pagtatayo nito sa naturang lugar ay ipinagbabawal kung kaya nagtataka ang mambabatas kung bakit ito nakakuha ng permit sa DENR.
Aniya, hindi umano marunong sumunod ang mga opisyal ng DENR sa utos ng korte suprema na nag-atas na alisin ang restaurant sa nasabing lugar.
Giit pa ng mambabatas, dahil sa paglapastangan sa nasabing lawa, posibleng mawala ang mga pangunahing isda tulad ng tawilis at maliputo na mahuhuli sa lugar na pangunahing pinakikinabangan ng mga maliliit na mangingisda sa lugar.