MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon sa Pilipinas at pinakauna rin sa Southeast Asian countries sa health care ang inilunsad ng Department of Health na Rotavirus vaccination, sa pangunguna mismo ni Pangulong Benigno S. Aquino III at Health Secretary Enrique Ona, na bahagi ng national immunization program ng pamahalaan.
Target ng DOH ang 700,000 sanggol na nagkaka-edad lamang ng 1½ buwan hanggang 3 ½ buwan na kabilang sa mga pamilyang nakalista sa National Housing Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), ang mababakunahan ngayong taon ng rotavirus vaccine.
Ayon kay Sec. Ona, layunin nilang sagipin ang buhay ng mga batang kabilang sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa dahil sila ang may pinakamataas na morbidity at mortality rates mula sa diarrhea diseases.
Hinimok ng DOH ang mga ina na may sanggol na 1½ buwan hanggang 3 ½ buwan gulang pa lamang na pabakunahan ang kanilang mga anak sa pinakamalapit na health center sa kanilang mga barangay.
Nabatid na ang rotavirus ay isang uri ng mabagsik na virus na nakaka-infect sa dumi ng mga bata at batay sa istatistika ng World Health Organization, ito rin ang pinaka-pangunahing dahilan ng diarrhea sa mga sanggol na nagreresulta sa pagkamatay ng halos 600,000 bata at pagkaka-ospital ng may dalawang milyong paslit sa buong mundo kada taon.