P-Noy 'no assurance'
MANILA, Philippines - Iginiit ng Palasyo na walang assurance na ibinigay si Pangulong Benigno Aquino III kay Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima ang kanyang pipiliin na susunod na Chief Justice ng Korte Suprema.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nag-usap sina Pangulong Aquino at Sec. De Lima bago ang full cabinet meeting noong Biyernes subalit walang ibinigay na paniniguro ang Pangulo sa DOJ chief na ito ang pipiliin niyang maging CJ.
Ayon kay Sec. Lacierda, iginagalang at nirerespeto ng Pangulong Aquino ang naging desisyon ni Sec. De Lima na tanggapin ang nominasyon bilang susunod na Chief Justice pero dadaan siya sa proseso ng pagpili ng Judicial and Bar Council (JBC).
“No assurance or approval was given by the President to Sec. De Lima. She has to undergo the process of selection by the JBC,” wika pa ni Sec. Lacierda.
Magugunita na tinanggap ni De Lima ang nominasyon bilang susunod na chief justice pero inamin din nito kahapon na pakiramdam niya ay hindi siya ‘welcome’ sa High Tribunal.
Habang si BIR chief Kim Henares naman ay tinanggihan ang kanyang nominasyon bilang SC chief.
Samantala, inamin naman ng ilang miyembro ng House Prosecution Panel na magmumukhang ‘Aquino Court’ ang Korte Suprema sakaling si Justice Secretary Leila De Lima ang mapiling susunod na punong mahistrado.
Ayon kay CIBAC Rep. at Prosecutor Sherwin Tugna, maaaring sa paningin ng mga kritiko ay magiging sunud-sunuran kay Pangulong Noynoy Aquino si De Lima kapag naupo ito bilang Chief Justice.
Gayunman, naniniwala si Tugna na sakaling mahirang si De Lima ay hindi ito magiging ‘tuta’ tulad ng iniisip ng iba at sa halip ay gagawa at magpapasya ito ng ‘independently.’
- Latest
- Trending