MANILA, Philippines - Aminado ang Highway Patrol Group o HPG na may mga sindikato sa loob mismo ng Land Transportation Office o LTO na siya umanong nasa likod ng paglipana ng mga pekeng drivers license at mga plaka ng sasakyan.
Bukod sa ilang tiwaling kawani ng LTO, sinabi ni HPG spokesman Senior Supt. Edwin Butacan na laganap rin ang pamemeke ng ilang mga grupo ng indibiduwal ng drivers license at car plate.
“Meron po kasing mga unscrupulous individuals diyan sa LTO na gumagawa ng spurious documents para pekehin ang plaka at drivers license”, ani Butacan.
Sa katunayan ayon sa opisyal ng HPG, dahil bihasa ang kanilang mga tauhan sa pagkilatis sa peke at tunay na drivers license at plaka ng sasakyan kung kayat nahuhuli pa rin nila ang mga sumusuway sa batas trapiko.
“In fact ang average monthly na nahuhuli namin na mga motorista na nag-iingat ng pekeng lisensiya ay 300 mahigit”, dagdag pa nito.
Inamin din ni Butacan na dahil may ilang mga kukuha ng lisensiya na ayaw nang sumailalim sa tamang proseso ng pagkuha nito tulad ng written examination ay pumapayag na lamang na makipag-transaksiyon sa mga fixer sa LTO na lingid sa kanilang kaalaman ay pekeng lisensiya ang ibinibigay.
Dahil dito sinabi pa ni Butacan na puspusan ang kanilang pakikipag-ugnayan sa LTO, DOTC, NBI at PNP para sa tuluyang pagsugpo sa sindikato na nagiging dahilan rin para maglipana ang mga Carnapper.
Karamihan sa mga tsuper na nakukunan ng pekeng lisensiya ay mga taxi,jeep, bus, school bus, AUV at truck. Ang parusa sa pekeng lisensiya ay tulad din sa ‘driving without license’.