MANILA, Philippines - Sinuspinde ni Transportation and Communications Secretary Mar Roxas ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibigay ang patay nang prangkisa ng nagsarang Pantranco sa mga kompanya ng bus na pag-aari ng isang pamilya.
Inatasan ni Roxas ang LTFRB na huwag ipatupad ang kanilang May 21, 2012 decision na nagbebenta sa pamilya Hernandez ng 489 franchises.
Nauna rito, inamin ng LTFRB sa House Committee on Transportation na expired na ang prangkisa ng Pantranco North Express, Inc. noon pang 1993 kaya imposible na itong maipagbili sa ibang kompanya.
Kabilang sa mga binigyan ng Pantranco franchise ang Five Star, Bataan Transit, Victory Liner, Cisco Lines at First Luzon na pawang pag-aari ng Hernandez family.
Sa reklamong ipinadala sa opisina ni Roxas ng Dagupan Bus Lines, Partas Lines, Saulog Transit, GV Florida at Baliwag Transit, sinabi nilang lantarang paglabag sa Public Service Law ang ginawa ng LTFRB.
Pinasalamatan ng North and Central Luzon bus operators si Roxas dahil sa maagap na pagkilos nito.
Kaugnay nito, nagsumite ng resolution si Agham partylist Rep. Angelo Palmones para simulan ng House Committee on Transportation ang pag-iimbestiga sa desisyon ng LTFRB.