MANILA, Philippines - Handa si Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio na tanggapin ang kanyang nominasyon sa pagka-punong mahistrado.
Sa convention ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Central Luzon sa Pampanga, sinabi ni Carpio na hindi niya sasayangin ang oportunidad para maging pinuno ng hudikatura.
“I will not turn down any chance or opportunity to lead the judiciary,” wika niya.
Si Carpio ang itinalagang acting chief justice matapos ma-impeach si Renato Corona.
Bilang isa sa mga senior justice, awtomatikong nominado si Carpio sa posisyon kahanay sina SC Associate Justices Presbitero Velasco, Teresita Leonardo de Castro, Arturo Brion at Diosdado Peralta.
Sa kanya namang talumpati, inisa-isa ni Carpio ang mga nakikita niyang prolema sa hudikatura kabilang ang aniya’y mabagal na takbo ng ilang kaso.
Una nang sinabi ni Carpio na tatanggapin niya sinumang mapiling punong mahistrado ni Pangulong Aquino. Wala pa namang kumpirmasyon mula sa Public Information Office (PIO) ng Korte Suprema o mula sa tanggapan ni Carpio kung tatanggapin na nga ba nito ang nominasyon.