MANILA, Philippines - Hihirit na rin ng pisong rolbak sa pasahe sa mga pampasaherong bus ang National Council for Commuters Protection (NCCP) kasabay ng patuloy na pagbaba sa presyo ng petrolyo sa bansa.
Sinabi ni NCCP president Elvira Medina, nais nilang matapyasan ng P1 ang minimum fare sa ordinary at air-conditioned buses at mabawasan maging ang dagdag na singil kada kilometro.
Ito’y matapos magsumite rin sila ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa P7.50 ang minimum na pasahe sa jeep makaraang umabot na sa kulang P38 ang kada litro ng diesel. Bukod dito, may nakasumite ring petisyon sa ahensya para ibaba ang flag down rates sa mga taxi.
Sinabi naman ni LTFRB spokesperson Sonia del Mundo na maaari nilang pagsabayin ang pagdinig at pagbababa ng desisyon sa dalawang petisyon sa jeep at taxi sa Hulyo 5.
Pero sinabi ni Pasang Masda President Obet Martin na baka mauna pa silang ibaba ang pasahe sa jeep bago ang Hulyo 5 dahil magkukusa na sila kung magkakaroon uli ng panibagong rollback ang mga kumpanya ng langis.
Sinabi ni Martin na hindi sila tutol sa petisyon basta bumaba sa P37.30 ang kada litro ng diesel.
Umalma naman si QC councilor Bong Suntay, pangulo ng Philippine National Taxi Operators Association dahilan sa hindi anya napapanahong maibaba sa P30 ang kasalukuyang P40 flagdown rate dahil hindi pa naman bumababa ng husto ang presyo ng diesel at LPG.