DENR binatikos sa floating resto
MANILA, Philippines - Ang kawalan umano ng political will ni Environmental and Natural Resources Sec. Ramon Paje kaya hindi umano nito maipasara ang inirereklamong floating restaurant na pag-aari ng mga dayuhang Koreano sa lawa ng Taal sa lalawigan ng Batangas.
Sa pahayag ng grupo ng mga environmentalist, ipinagmamalaki umano ni Paje na nagpalabas na sila ng “cease and desist order” laban sa Jung ang and Leisure Inc. matapos matuklasan ang napakaraming paglabag subalit nananatili pa ring nakatayo at patuloy ang operasyon ng floating restaurant.
Ikinatuwiran umano ni Paje na kinakailangan nila ang tulong ng mga otoridad upang maipatupad ang inilabas nilang kautusan subalit wala silang makuhang ayuda sa Philippine National Police.
Sinisi rin umano ng kalihim ang lokal na pamahalaan na aniya ay nagbigay ng permiso sa dayuhan upang maitayo ang floating restaurant kahit hindi nabigyan ng environmental clearance certificate (ECC), subalit minaliit ito ng mga environmentalist dahil hindi aniya puwedeng saklawan ng lokal na pamahalaan ang batas o kautusan ng pambansang ahensiya tulad ng DENR.
Kabilang sa umano’y paglabag na nasilip sa floating restaurant ang kawalan ng septic tank kaya’t ang dumi at ihi ng mga kustomer na pawang mga dayuhan ay sa mismong lawa napupunta.
Kaya’t hiniling ng mga environmentalist, kabilang na si AGHAM Partylist Rep.Angelo Palmones kay Pangulong Aquino na sibakin na sa puwesto ang kalihim at magsagawa ng malawakang pagbalasa sa hanay ng mga opisyal ng naturang ahensiya.
- Latest
- Trending