Mas pinalaking gun show sa ika-20 anniv. ng DSAS

MANILA, Philippines - Mas pinalaki at pina­lakas na “gun show” ang aabangan ng mga “gun enthusiasts” sa bansa sa pinalawak na event area sa SM Megamall sa Mandaluyong City bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-20 anibersaryo ng Defense & Sporting Arms Show (DSAS).

Sinabi ni Association of Firearms Dealers President Neri Dionisio, unang magbubukas ang 2012 DSAS Part 1 sa Hulyo 19 kung saan may 3,878 metriko kuwadradong espasyo ngayon ang pagdiriwang kumpara sa 2,958 metriko kuwadradong espasyo sa ginanap na 2011 DSAS Part 2 noong Nobyembre 2011.  Gaganapin ito ngayon sa Megatrade Hall 1, 2 at 3 bilang karagdagang display hall.

Dahil sa mas malaking espasyo, mas maraming booths ng sari-saring mga baril ang lalamanin ng gun show para pagpi­lian ng mga hobbyists at gun owners. Sinabi ni Dionisio na aabot sa 184 ang display booth ngayon kumpara sa 137 lamang noong nakaraang taon.

Tampok sa pagbubukas ng 2012 DSAS Part 1 ang AFAD Hall of Philippine World of Champions kung saan paparangalan ang mga “top shooters” ng bansa na hindi lamang nagpakita ng gilas sa mga kompetisyon sa Pilipinas ngunit maging sa ibang bansa.  Inaasahang dadaluhan ito ng mga matataas na opisyal ng pamahalaan na sumusuporta sa responsableng pagmamay-ari ng baril.

Ilulunsad rin sa limang-araw na gun show ang 1st DSAS “Right to Live” Print Media Awards para sa best news and feature articles tungkol sa DSAS at firearms industry. 

May libreng seminar din ng mga martial arts expert at gun aficionado na magbibigay ng tips sa responsible gun ownership, firearms maintenance, proper firearms storage, self-defense at gun laws and regulations at iba pa.

Show comments