MANILA, Philippines - Sa pamamagitan ng all-weather rotating cameras ay maisasaayos na agad ang daloy ng trapiko at mapapabilis ang pagresponde sa bawat sakuna ngayong tag-ulan sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay Shadik Wahono, pangulo ng South Luzon Tollways Corp. (SLTC), ang naturang PTZ (pan tilt zoom) cameras ay nakaposisyon sa iba’t ibang lugar sa expressway ng 24 oras araw-araw upang makatulong sa pagpapatrulya. Ang SLTC ang concession holder ng SLEX.
Ang cameras ay nakaagapay sa Traffic Control Center (TCC) sa naturang ruta mula Alabang viaduct patungong Calamba City hanggang sa Sto. Tomas, Batangas.
Ayon kay Wahono, ang PTZ cameras na nabili noong 2010 ay nakapuwesto ng isang kilometro ang pagitan mula sa isa’t isa sa buong SLEX. Nakakaikot ang mga camera ng 360 degrees at epektibo sa may lawak na dalawang kilometro.
Karaniwang gamit ang PTZ cameras sa pag-monitor ng trapiko. Dahil dito ay sa loob ng 15 minuto ay kaya nang bigyan ng lunas ang anumang insidente.
Maliban sa PTZ cameras ay gamit rin ang TruCam Speed Guns mula sa US at Captels Portable Weigh-In Motion equipment mula sa France sa kampanya laban sa overspeeding at overloading sa SLEX.
Ang Speed Guns ay nakakasukat ng bilis ng takbo, tagal ng biyahe at distansya ng dalawang magkasunod na sasakyan sa isang full action video. Mapipigilan naman ng Captels Portable Weigh-In Motion equipment ang mga truck na mag-overloading sa paggamit ng SLEX.