MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DOH) na positibo na rin sa red tide toxin ang coastal waters ng Milagros, Masbate.
Ito’y batay na rin sa Shellfish Bulletin No.15 na ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ipinadala sa DOH.
Dahil dito ay binabalaan ang publiko na huwag munang manghuli, magbenta at kumain ng mga shellfish na magmumula sa nasabing lugar dahil ito’y makakasama sa kalusugan at maaaring ikamatay.
Bukod sa Milagros, Masbate, nananatili pa ring positibo sa paralytic shellfish poison ang Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental, Matarinao Bay sa Eastern Samar, at Balite Bay sa Mati, Davao Oriental.
Una nang idineklara ng BFAR na ligtas na sa red tide ang coastal waters sa Bataan sa Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Orani, Abucay at Samal.