LA TRINIDAD, BENGUET, Philippines – “Kasalanan mo.” Ito ang ginawang paninisi ng Pangulong Benigno Aquino III sa Jordanian journalist na si Baker Atyani sa nangyari sa kanya matapos patagong magtungo sa kuta ng Abu Sayyaf Group sa Sulu upang makapanayam ang mga bandidong terorista.
Sinabi ni PNoy sa ambush interview matapos saksihan ang panunumpa ng may 300 bagong miyembro ng Liberal Party sa Cordillera Autonomous Region, mismong si Atyani ang gumawa ng kanyang kapahamakan.
Aniya, patuloy pa rin ang ginagawang monitoring ng gobyerno sa sitwasyon matapos na mapaulat na binihag ng ASG si Atyani at 2 Pinoy tv crew nito.
“Pero ulitin ko lang it should not have happened if the guy had not misled the appropriate authorities. Yun ang issue and he has caused us damage the same but he will undergo a process to explain all of these things,” giit pa ni PNoy sa Malacañang reporters.
Samantala, interesado na rin umano ang lider ng mga paksyon ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa grupo ng Arab television reporter.
Ayon sa isang security official na tumangging magpabanggit ng pangalan, hawak ngayon ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Tuan Nadzmer Ali si Atyani, Bureau Chief sa Southeast Asia ng Al Arabiya tv network na nakabase sa Dubai.
Habang ang dalawang Pinoy crew na sina Rolando Letrero at Ramil Vela ay inihiwalay umano kay Atyani upang mahirapan ang security forces kapag naglunsad ng search and rescue operations.
Nabatid sa opisyal na hindi malayong maglunsad ng rescue operations ang grupo nina Abu Sayyaf Commander Yasser Igasan upang kunin si Atyani na matagal nang labas-masok sa kanilang kampo.
“Sila-sila ang mag-aaway dito baka magpatayan pa yang mga yan and that is most likely, masyadong magulo pati si President (PNoy) nalilito na rin,” pag-amin pa ng security official.
Bukod kina Atyani, anim pang dayuhan ang hawak umano ng ASG sa Sulu na kinabibilangan ng dalawang European na sina Elwold Horn at Lorenzo Vinciguera, bird wathchers photographer na binihag sa Tawi-Tawi at dinala umano sa lalawigan noong Pebrero, gasoline owner na si Carlos Tee, isang Tsinoy na dinukot sa Jolo noong Abril; ang retiradong sundalong Australyano na si Warren Rodwell na dinukot sa Zamboanga Sibugay noong Disyembre 2011, Japanese national na si Toshio Itto at ang Indian trader na si Bijo Kolara.